Kamakailan lang ay nadagdagan na naman ang bilang ng aking gulang. Hindi na mapagkakaila na tumatanda na talaga ako sa bente-syete.
Masaya ko namang ipinagdiwang ang araw na ito sa pamamagitan ng pagsalubong sa aking kaarawan kasama ng malalapit na kaibigan. Tunay ngang naging masaya ang pagsalubong namin - kain sa buffet at inom ng mga banyagang alak na noon ko lang nakita. Simple ngunit may kurot pa rin. Ngunit sa aking pagsalubong, hindi ko naiwasang malungkot nang bahagya.
Naisip ko, sa gulang kong ito, ano na ba ang narating ko? Nadadagdagan ako ng taon ngunit hindi naman nadagdagan ang mga nagagawa ko sa buhay. Parang ganoon pa rin, walang pagbabago.
Nabulalas ko ito nang sandali sa aking kasama sa hotel room nang kinamusta niya ko. Ngunit sa alaalang iyon ang aking kaarawan, pinapaliban ko muna ang isipang iyon. Kailangan masaya ako, bulong ko sa sarili.
Sinaglitan kong binisita ang facebook. Nagulat ako sa aking nakita; ang mga kamag-aral ko noong kolehiyo ay ganap ng mga doktor sa pagpasa nila ng board exams. Dama ko ang tuwa nila sa bawat status ng pasasalamat. Lubos akong nagalak para sa tagumpay ng aking mga kaibigan. Ngunit dinalaw na naman ako ng panghihinayang.
Kung sana ay pinagpatuloy ko ang pag-aaral ko sa pagdo-doktor ay marahil kasama na rin nila ako ngayong nagbubunyi. Wala pa kasing doktor sa pamilya kaya magiging isang kakaibang tagumpay iyon kung sakali.
Pero araw ko nga iyon, 'ka ko. Araw ko iyon upang ipagdiwang ang taon na nakalipas. Bagaman may ganoon man akong naramdaman kailangan kong maisip na mas marami pa rin ang dapat ipagpasalamat at ipagdiwang - ang aking buhay, kalusugan, pati na sa aking pamilya, kamag-anak at kaibigan, ang aking edukasyon, at ang aking pag-iisip at kalagayan.
Ika nga ng aking kasama, may takdang oras para sa lahat ng bagay. Marahil hindi pa ngayon ang oras na iyon. Ngunit wala namang hindi nadadaan sa pagsisikap at pananampalataya.
Para sa kasiyahan, kalusugan at sa hinaharap! Para sa buhay! Cheers!
Sige sa mantsa!!!