Bale ika-16 na ng Hulyo ngayon sa Pinas at bukas ay ika-17 na. Dapat ay tatlong taon na kami ng huli kong kasintahan bukas. Ngunit tulad ng nasabi ko na sa nakaraang post ay wala na kami. Hindi kami umabot ng isang taon, ni hindi namin nasubukan 'yung pinaghahandaan naming LDR. Kung bakit kami naghiwalay ay sa ibang pagkakataon ko na sasabihin. Hindi iyon ang pakay ko sa post na ito bagkos, ngayon ang simula ng aking paghilom.
"Paghilom?! Arteh! Dalawang taon na kayong wala. Move-on, move-on din."
Oo, paghilom. Tama nga, dalawang taon na nga. Ngunit kailangan ko maging totoo. Hindi ganoon kadali ang magpatuloy o mag-"move on" tulad ng sinasabi ng nakararami. Sabi nga sa kasabihan, madaling sabihin, mahirap gawin. Ngunit pakiramdam ko ito na ang tamang oras na harapin lahat ng mga alaala at pangyayari at ito na rin ang tamang panahom simulan ito.
Sa totoo, ito na ang pinakamatagal ko bago maka-move-on. Doon sa unang tatlo kong kasintahan, mabilis akong nakabawi dahil sa iba't ibang dahilan. Ngunit sa kanya, doon sa huli, hindi ko akalaing aabot ako ng ganito katagal, marahil dahil siya ang una kong minahal nang buo, marahil dahil kasalanan ko kung bakit kami naghiwalay, at marahil dahil nagpakabaliw ako masuyo lang siya ulit.
Noong mga unang linggo ko dito ay, hindi ko masyadong naiisip ang mga nangyari sa amin, sa aming paghihiwalay. Masyado pa akong abala sa pag-ayos ng bago kong buhay dito sa Amerika. Nagdaan ang ilang buwan ay pasulpot-sulpot lang ang mga alaala ko sa kanya dahil babalik ako sa pamomroblema sa mga bagay-bagay dito at sa bago kong trabaho.
Ngunit noong humapa na ang mga bagay at ako na mag-isa sa bahay at sa pagmamaneho, unti-unti nang nanunumbalik ang mga alaala ng mga kaganapan sa mga unang buwan ng taong iyon na humantong sa aming pahihiwalay. Tila sirang plaka or pelikula na nanunumbalik sa isip ko ang mga pangyayari sa usapan sa cellphone, sa Art Fair, sa choir practice niya, sa sambahan nila, sa Go Hotel, at sa Eastwood. Minsan, sige na nga, madalas sa pag-aalala ko ng mga nangyari ay napapaluha na lang ako bigla. Minsan may isang pagkakataon na kailangan ko muna maghanap ng mapaparadahan bago magmaneho upang iiyak lang lahat ng luha na naipon sa mga mata ko. Minsan natatawa na lang ako sa sarili ko tuwing nangyayari iyon at minsan nilalamon lang ako ng lungkot.
Totoo pala iyon, binubulong ko sa sarili ko noon. Iyong sinabi ni Angelica Panganiban sa pelikula nila ni JM de Guzman. Sabi niya noon na lahat ng bagay na nikikita niya ay nagpapaalala sa kanya ng dati niyang kasintahan. Napatunayan ko iyon. Lahat na lang. Yung mahabang pagmamaneho, yung damit, yung amoy, yung pakiramdam, at lalong lalo na yung mga kanta sa radyo, lalong lalo na yung mga kanta sa radyo. Parang bawat salita ay nangungusap sa mga pinagdadaanan ko noon, sa pag-iibigan namin hanggang sa paghihiwalay namin. Totoong nakakaiyak, Ate Charo. hehe Ang tanging nakakayanan kong pakinggan sa kotse ay mga kantang pagpuri at pagsamba. Naisip ko na lang noon na marahil may nais ipahiwatig sa akin ang Diyos kaya ko pinagdadaanan lahat ng iyon.
Ngayon, tulad nga ng nasabi ko na kanina ay handa na akong simulan ang aking paglalakbay sa paghilom at gagamitin ko itong pagsusulat upang mailabas lahat ng matagal ko nang kinikimkim at pilit na binabaon sa limot. Handa na akong balikan ang masasaya at masasakit na alaalang nakalipas kung iyon ang magiging daan sa aking pagsulong.
Sa seryeng ito, susubukan kong ibahagi ang mga panahong magkasintahan pa kami gamit ang mga kantang nakapagpaalala sa akin sa kanya, at ang mga bagay na natutunan ko sa kanya at sa mga dati ko pang naging kasintahan. Ibahagi ko na rin sa inyo ang mga taong nakilala ko simula noong paglipat ko dito at kung bakit wala parin akong kasintahan ngayon. Ang mga isusulat ko ay magsisilbing isang talaarawan upang magpaalala sa akin ng mga napagdaanan ko upang magsilbi ring aral para sa mga susunod na relasyon ko. Marahil may iba rin taong nasa katulad na sitwasyon na nais ng payo, baka makatulong ang kwento ko sa kanila.
Sabayan niyo ako.
I can relate lol! Thanks for dropping by sa blog ko.
ReplyDeletesalamat din sa pagdaan :)
DeleteI can relate too...
ReplyDeleteSo Justinthecloset, ano nang next plans natin?